MANILA, Philippines - Magandang suporta mula sa pamunuan ng FEU ang nagbibigay kumpiyansa kay Grandmaster Jayson Gonzales na mapagtatagumpayan nila ang asam na ikaanim na sunod na titulo sa men’s division sa UAAP chess.
Sa Enero 14 bubuksan ang aksyon sa chess sa lugar ng Tamaraws, FEU Mini Theather, at gagawin ng home team ang lahat upang hindi maagaw ang titulong hawak sa huling limang taon.
“I’m happy that the school is very supportive of the team, especially those who came over from the provinces not only to study but to help FEU win the titles. We take pride in it and I hope we continue to do well in the coming years,” wika ni Gonzales na siyang head coach ng FEU men’s team.
Kung magkakampeon uli, matatablahan ng Tams ang La Salle sa paramihan ng men’s title sa anim na nangyari mula 1999-2000 hanggang 2004-05.
Ang FEU Baby Tamaraws ay makakatuwang ng men’s team sa pagbibigay ng karangalan sa kanilang paaralan sa pagpuntirya sa ikalawang sunod na juniors title.
Si Jerad Docena na MVP at Rookie of the Year ng Baby Tams ang babandera sa kanilang koponan habang si Sheider Nebado ang sa Tamaraws.
Ang aksyon ay aabot sa 14 rounds at kung sino ang may pinakamalaking puntos na nakuha ang siyang hihiranging kampeon ng liga.
Sa kabilang banda, ang La Salle women’s team ay magbabalak na kunin ang ikalawang sunod na kampeonato sa kanilang dibisyon.
Mangunguna sa Lady Archers si Jodilyn Fronda na hinirang na MVP at Rookie of the Year noong nakaraang taon nang igiya ang koponan sa 45 puntos.