MIAMI--Tumuntong si Norris Cole sa foul line sa huling 9.3 segundo kasabay ng pagtawag ng mga fans sa kanya ng “M-V-P”.
Hindi ito eksena sa Cleveland State kung saan siya ang superstar.
Sa kanyang ikalawang laro sa NBA kasama sina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh, humugot si Cole ng 14 sa kanyang 20 points sa fourth quarter, kasama rito ang tatlong mahahalagang jumpers, para tulungan ang Miami Heat sa 115-107 panalo laban sa Boston Celtics.
“You grow up and live for moments like that,” wika ni Cole.
Umiskor si James ng 26 points, habang may 24 si Wade bukod pa ang 8 assists at 4 blocks at may 18 markers si Bosh para sa Heat, nagtala ng isang 20-point lead sa third quarter bago nakadikit ang Celtics sa 3 points.
Ang mga jumpers ni Cole ay nagmula sa mga pasa ni James na naglayong muli sa Miami laban sa Boston.
“He’s got savvy,” pagpuri ni Celtics coach Doc Rivers kay Cole. “Great pickup.”
Nagposte si Ray Allen ng 28 points para sa Celtics, samantalang may 22 si Rajon Rondo maliban pa ang 12 assists at nag-ambag naman si Keyon Dooling ng 18 markers mula sa bench.
Mula sa 24 turnovers ng Celtics, ginawa itong 33 points ng Heat.
“Any team you turn the ball over that much they’re going to score on you,” sabi ni Allen. “We just have to settle in on both ends of the floor. Whether you score or not, they’re going to run down your throats.”
Sa iba pang laro, tinalo ng Atlanta Hawks ang New Jersey Nets, 106-70; giniba ng Milwaukee Bucks ang Minnesota Timberwolves, 98-95; at pinayukod ng Portland Trail Blazers ang Sacramento Kings, 101-79.