MANILA, Philippines - Umaasa si dating Senador Nikki Coseteng na magkakaroon na ng linaw ang local swimmers na mapapasama sa mga international swimming competitions tulad ng South East Asia, Asian Games at Olympic Games matapos masilayan ang dagsang manlalangoy na sumali sa 1st Coseteng Swimming Championships kamakailan sa Rizal Memorial Swimming Pool.
Humataw sina Paula Cayanan at Kevin Claveria na siyang hinirang bilang mga outstanding swimmers sa isang araw na kompetisyon na ang layunin ay makatuklas ng mga mahuhusay na batang manlalangoy para sa panghinaharap na swimming tournaments.
“First, I would like to thank the parents, the schools authorities and all the swim clubs for sending their children here and allowing them to participate in this undertaking, which proved that given a good program. This will not hesitate taking part in the interest of Philippine swimming,” wika ni Coseteng sa kompetisyong inialay din para sa kanyang ika-59th kaarawan.
Ang 12-anyos na si Cayanan na nagmula sa Joey Andaya Seagulls Team ay nanalo ng tatlong ginto at isang pilak kasama ang tatlong National PSL records at isang AAAA US standard.
Gumawa ng 28.59 seconds marka si Cayanan sa 50-meter freestyle upang tabunan ang 29.69 marka na siya ring record sa US AAAA standard.
Ang oras na ito ay kapos lamang ng ilang Segundo sa record na ginawa sa Batang Pinoy.
Si Claveria na edad 15- anyos mula Diliman Preparatory School ay nanalo sa 100m butterfly at 100m freestyle. Ang 1:01.10 sa 100m butterfly ay mas mabilis sa US AAA time na 1:02.09 tiyempo.
Umabot sa 401 swimers mula sa 52 paaralan ang lumahok sa kompetisyon kasama ang mga naglalaro sa UAAP at NCAA para lumabas na pinakamalaking swimming tournament sa labas ng PASA na siyang National Sports Association (NSA) sa sports event na ito.
Ang iba pang swimmers na gumawa ng batong PSL marks ay sina Priscila Aquino ng UP, Julia Torres ng K3 Aquaspeed, Maria Siuso ng Bosay Aquatics Club, Lim Filipino Janiko ng St. Jude Catholic School, Delia Angela Cordero ng DPS, Jermoe Magallanes ng La Salle, Keiffer Piccio ng Susan Papa Swim Academy, Denjylie Cordero ng DPS, Benedict Genetra ng Mindoro, Skyler Claveria ng Dennis Cordero Swim Club, Jose Gabriel Lavin ang Lyceum Varsity Team at Christen Mercado ng Esgaleno Team.