Pagkasa ng 2 Pinoy sa world title pinagtibay ng WBC
MANILA, Philippines - Ang paglaban ng dalawang Filipino No. 1 contenders para sa world crown bilang mga mandatory challengers ay pinagtibay sa 49th WBC Convention sa Las Vegas.
Ipinaglaban ni Gabriel (Bebot) Elorde Jr. ang karapatan ni No. 1 superflyweight Silvester Lopez ng Zamboanga, Sibugay, habang si Aljoe Jaro ang kumatawan kay No. 1 minimumweight Denver Cuello ng Iloilo.
Sinabi ni WBC president Jose Sulaiman na maaaring magsagawa ng voluntary defense si WBC superflyweight champion Suriyan Sor Rungvisai bago labanan si Lopez.
Ngunit nagtakda ng deadline si Sulaiman sa Agosto para sa title crack ng Filipino.
Hawak ng Mexican promotions group na Zanfer ang option sa susunod na title defense ni Suriyan kung saan maari niyang harapin si Tomas Rojas na kanyang tinalo para angkinin ang WBC 105-pound crown sa Srisaket noong Agosto bago talunin si Japanese challenger Nobuo Nashiro sa Bangkok.
Handa si Elorde na maglatag ng purse bid na $100,000 para itaya ni Suriyan ang kanyang korona laban kay Lopez sa Laoag, Ilocos Norte.
Kung maghihintay pa si Lopez hanggang Agosto ay aayusin na ni Elorde ang isang tune-up fight para sa kanya.
Samantala, pumayag naman si Sulaiman na basbasan ang eliminator sa pagitan nina No. 4 Oleydong Sithsamerchai at No. 2 Carlos Cuadras o No. 3 Yota Sato to para sa susunod na hahamon kay Lopez.
- Latest
- Trending