'Para sa aking ama'
MANILA, Philippines - Gagamitin para itulong sa gastusin ng may sakit na ama ang paglalaanan ni Iris Ranola sa insentibong nakuha matapos manalo sa 26th SEA Games sa Indonesia.
“Tamang tama po kasi may sakit ang aking ama,” wika ni Ranola na nanalo ng dalawang ginto sa women’s 8-ball at 9-ball events sa bilyar para sa P200,000 gantimpala.
Ipinamahagi na kahapon ang mga insentibo na ginawa sa Rizal Memorial Badminton Hall at pinagtulungang itaguyod ng PSC, POC at PAGCOR.
Naroroon si POC President Jose Cojuangco Jr. habang ang PSC ay kinatawan ni Commissioner at executive director Chito Loyzaga na humalili kay Chairman Ricardo Garcia na lumipad patungong Bacolod matapos ang biglaang pagkamatay ng anak na si Javier Ricardo Garcia.
Umani ng 36 ginto, 56 pilak at 77 bronze medals ang napanalunan ng Pilipinas sa SEA Games at ang insentibong ipinamahagi ay umabot sa P12,090,000.00 na nanggaling sa PAGCOR.
Tinatayang umabot sa P8,060,000.00 ang ipinamahagi sa mga atleta habang P4,030,000.00 ang iginawad sa mga coaches.
Si bowler Frederick Ong number two sa may pinakamalaking nakuhang insentibo sa P195,000 mula sa ginto sa singles, silver sa doubles, Masters at Team of Five at bronze pa sa Trios.
Ang mga team sports na nanalo ng ginto na may higit na limang atleta ay tumanggap ng P200,000 insentibo na kanilang paghahatian.
Ang bawat kasapi ng men’s basketball team sa pangunguna ni team skipper Chris Tiu ay tumanggap ng tig-P15,384.61, ang softball team ay nagkamit ng tig-P11,764.71, ang baseball team ay may P9,090.91 gantimpala at ang traditional boat rowers ay nag-uwi ng tig-P8,000.
- Latest
- Trending