Lady Altas lalong tumibay sa unahan; Altas wagi sa Knights

MANILA, Philippines - Matibay pa rin ang ipi­na­kikitang laro ng host University of Perpetual Help System Dalta kung sa 87th NCAA volleyball ang pag-uusapan.

Walang hirap na dinurog ng nagdedepensang Altas ang Letran Knights, 25-16, 25-13, 25-23, habang pinawi naman ng La­dy Altas ang pagkatalo sa first set sa Lady Knights tungo sa 24-26, 25-23, 25-19, 25-22, tagumpay sa la­rong ginanap kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng Altas sa men’s division para ma­natiling nasa ikalawang pu­westo kasunod ang na­ngu­ngunang Arellano sa 6-0 baraha.

Ito naman ang ikapitong sunod na panalo ng Lady Altas upang manatiling dinodomina ang women’s division.

 Huling laro na ito ng liga at sasailalim sa Christmas break pero tiniyak ni Lady Altas coach Mike Rafael na hindi mawawala ang ma­gandang kondisyon ng kanyang manlalaro sa magaganap na bakasyon.

“Kailangang in shape lagi ang mga players kaya kahit break ay patuloy ka­ming magsasanay maliban lamang sa Pasko at New Year,” wika ni Rafael.

 Determinado ang Perpetual Help na walisin ang tatlong dibisyon upang magkaroon ng kinang ang pagtayo ng paaralan bilang host ng Season.

“We’re proud of our pla­yers and we will continue supporting and praying for their success,” pagtitiyak pa ni League President at Policy Board chairman Anthony Tamayo ng UPHSD.  

Show comments