MANILA, Philippines - Magkakaroon din ng pagkakataon ang Philippine Patriots na masilip ang lakas ng mga kalaban sa 3rd ASEAN Baskeball League dahil anim na koponan ang magtatagisan sa pre-season event na ‘To Be No. 1 Basketball Challenge’ sa Bangkok, Thailand.
Maliban sa Patriots at ikalawang expansion team sa bansa na San Miguel Beer, kasali rin ang Bangkok Cobras bukod pa sa Saigon Heat, Singapore Slingers at Indonesia Warriors.
Ang anim na koponan ay hinati sa dalawang grupo at ang mangungunang koponan sa magkabilang dibisyon ang aabante sa Finals sa Linggo.
Hahawakan ng bagong coach na si Glenn Capacio, ang Patriots ay dumating kahapon sa Bangkok para sa unang laro kontra sa Saigon Heat.
“Kulang pa sa jelling ang team dahil ilang linggo pa lamang silang nabuo kaya maganda ang tournament na ito para sa team building,” wika ni Capacio.
Ang mga sasandalan niyang manlalaro ay sina Aldrech Ramos, Al Vergara, Reed Juntilla, Jonathan Fernandez, Erick Rodriguez, Ardy Larong, Warren Ybañez, Eddie Laure, Rob Wainwright, Marcy Arellano, Eder Saldua at Angel Raymundo. Ang mga imports ay sina Anthony Johnson at Nakiea Miller.
Sunod na kalaban ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ay ang Cobras habang ang nasa kabilang dibisyon ay ang SMBeermen, Slingers at Warriors na dating kilala bilang Satria Muda BritAma.