MANILA, Philippines - Humataw ng dalawang ginto ang dating Palarong Pambansa medallist na si Nina Carmela Zamora sa badminton sa idinadaos na NCR elimination ng 2011 Batang Pinoy kahapon sa iba’t-ibang lugar sa Makati City.
Ang 13-anyos na si Zamora na ngayon ay isang second year high school student sa St. Scholastica College-Manila ay nanalo laban kay Judy Arellano, 21-8, 21-5, tungo sa girls singles title bago nakipagtulungan kay Nenita Romero upang hiyain sina Arevalo at Dizenzy Santos, 21-10, 21-5, sa girls doubles finals na nilaro sa Zone.
“I’m so happy because I made it to the national finals,” wika ni Zamora, nanalo ng bronze medal noong 2009 Palaro at kasalukuyang number 5 junior player ng bansa base sa PBAR Ranking ng Philippine Badminton Association.
Nagpatuloy naman ang pag-ani ng medalya ng Quezon City sa pool events nang manalo ng anim sa walong events na pinaglabanan sa Makati Aquatics Center sa Quezon City.
Sina Alberto Batungbakal at Baron Ong ay sumungkit ng tig-dalawang ginto habang ang boys at girls 200m freestyle relay team ang naghatid pa ng dalawang ginto.
Si PSC commissioner Chito Loyzaga ang siyang naggawad ng medalya sa mga nagsipanalo sa apat na araw na torneo na inorganisa ng PSC katuwang ang Smart Sports, Summit Mineral Water, Negros Navigation, Aboitiz, Standard Insurance Inc., British Council, RELIV Now for Kids at Growee Multivitamins.
“Our focus is for the development of our young athletes, but we can’t do this without the help and support of the parents and people from the private sectors who believe in the project,” wika ni Loyzaga.
Ang mga nanalo ng ginto at pilak ay aabante sa National Finals na itinakda mula Disyembre 10 hanggang 13 sa Naga City.
Ang hulling regional elimination ay gagawin sa Sta. Cruz, Laguna para sa Southern Tagalog mula Disyembre 4 hanggang 7.