PFF handa nang magbayad ng P1M sa PSC; David Beckham, LA Galaxy darating ngayon
MANILA, Philippines - Wala nang nagawa ang Philippine Football Federation (PFF) kundi ang bayaran ang P1 milyon na rental fee sa Rizal Memorial Sports Complex para sa paggamit ng maalamat nang Rizal Football Stadium sa Malate, Manila sa loob ng dalawang araw.
Gagamitin ng PFF ang Rizal football field para sa pagbisita ni football superstar David Beckham at ng MLS champion LA Galaxy para sa promosyon ng football kasabay ng pagbibigay ng pagkakataon sa Philippine Azkals na makalaro sila.
“We’ve already agreed in principle to the terms for the rental of the Rizal for the whole affair,” wika ni PFF president Nonong Araneta matapos makausap si PSC chairman Richie Garcia.
Nauna nang pinalagan ng football federation ang naturang mataas na paniningil sa kanila ng komisyon.
Ang sports commission, ang namamahala sa Rizal pitch at sa buong sports complex, ay nagpasa ng isang board resolution na naniningil sa PFF at sa mga event organizers ng P1 milyon para sa paggamit ng football stadium sa loob ng dalawang araw.
“Yes it is P1-million. But we will use the money to buy balls for our grassroots program in football,” paliwanag naman ni Garcia sa isang text message.
“We’re okay with it. What’s important is, it’s earmarked for football,” sabi naman ni Araneta.
Nakatakdang dumating sa bansa ngayong araw si Beckham at ang LA Galaxy mula sa Indonesia sakay ng isang private plane para sa second stop ng kanilang three-leg 2011 Asia-Pacific Tour na inihahandog ng Herbalife.
Sa kanilang unang pagbisita sa Pilipinas, magdaraos ang US pro club na nakabase sa Carson, California, USA ng isang football clinic bukas ng ala-1:30 ng hapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Bandang alas-3:30 ay mapapanood ng paying public si Beckham at ang mga LA Galaxy players na sina Landon Donovan, ang MLS Cup MVP, Todd Dunivant, 2011 MLS Defender of the Year Omar Gonzalez at sina postseason heroes A.J. DeLaGarza, Robbie Keane, Mike Magee at Josh Saunders.
Sa Sabado ay makakatapat naman ni Beckham at ng LA Galaxy ang Azkals sa ‘Dream Cup’ friendly match.
“For the Azkals, this chance to play with and learn from the newly crowned Major League Soccer champions, is an experience they can constantly draw inspiration from; a memory they can return to again and again as we gear up for Year 2 of football’s renaissance in the country,” sabi ni Azkals team manager Dan Palami.
Bukod sa pakikipaglaharap sa Azkals, bibisita rin ang LA Galaxy sa mga charity projects na kinabibilangan ng Casa Herbalife program sa Disyembre 3, ayon kay Brian McKinley, ang senior director ng WW Corporate Alliances, Herbalife International.
- Latest
- Trending