Iniligwak ang Clickers Tigers kumikikig pa

MANILA, Philippines - Matapos ang 12 laro, wala pa ring maitalang panalo ang mga Clickers ni Franz Pumaren.

Mula sa 28-28 pagtatabla sa first period, kuma­wala ang Powerade sa third quarter patungo sa kanilang 102-84 paggiba sa talsik nang Shopinas.com sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

Winakasan ng Tigers ang kanilang four-game losing slump upang duplikahin ang kanilang 98-87 panalo laban sa Clickers noong Oktubre 5 at palakasin ang tsansa sa quarterfinal round.

Itinaas ng Powerade ang kanilang win-loss record sa 4-7 sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (8-1), Rain or Shine (7-3), Petron Blaze (7-3), Meralco (7-4), B-Meg (6-4), Barako Bull (5-5) at Barangay Ginebra (5-5) kasunod ang Alaska (3-8) at sibak nang Shopinas.com (0-12).

Kinuha ng Tigers ang 50-43 lamang sa second period hanggang iwanan ang Clickers sa 70-53 sa 5:43, galing sa basket ni Fil-Am rookie Marcio Lassiter.

Nakalapit ang Shopinas.com sa 58-70 hanggang muling makalayo ang Powerade upang bitbitin ang isang 20-point lead, 84-64, papasok sa final canto.

Isang 13-7 atake ang inilunsad nina James Sena, Ogie Menor at Paolo Hu­balde para ilapit ang Clickers sa 77-91 agwat sa 5:36 nito bago isalpak ni Gary David ang isang three-point shot at ikonekta ni Lassiter ang dalawang sunod na basket upang ibigay sa Tigers ang komportableng 98-77 bentahe sa huling 4:33.

Show comments