Super fight sa 2012
MANILA, Philippines - Ang malamyang ipinakita ni Manny Pacquiao sa kanilang pangatlong paghaharap ni Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 13 ang siyang maaaring humikayat kay Floyd Mayweather, Jr. na itakda ang kanilang mega-fight sa 2012.
Ito ang sinabi kahapon ni Pacquiao sa isang press conference matapos umuwi sa General Santos City.
“Nakita n’ya na, pwede ko na labanan si Manny, dahil medyo nahirapan s’ya kay Marquez, eh si Marquez, binugbog ko lang’,” sabi ni Pacquiao sa posibleng iniisip ni Mayweather.
Isang kontrobersyal na majority decision win ang nakuha ni Pacquiao laban kay Marquez para patuloy na pagharian ang WBO welterweight division.
Kamakalawa ay napabalita ang pagpunta ni Canadian business manager Michael Koncz sa Las Vegas, Nevada para kausapin si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Kinumpirma naman ng Filipino world eight-division champion na inutusan niya si Koncz para makipagpulong kay Arum at maplantsa ang kanilang super bout ni Mayweather.
“Ongoing ang negotiation sa fight namin ni Mayweather, pero hindi pa final,” ani Pacquiao.
Dalawang ulit nang nabalam ang Pacquiao-Mayweather fight bunga na rin sa ilang isyu na ipinuwersa ng undefeated American fighter.
“Iyan ang gusto ng mga tao at iyan ang pinakaaabangan ng mga boxing fans,” sabi ni Pacquiao sa kanilang upakan ni Mayweather.
Umaasa naman ang uncle/trainer ni Mayweather na si Roger na matutuloy ang Pacquiao-Mayweather fight sa 2012.
“They want to see Floyd Mayweather and Manny Pacquiao. That’s what the world is waiting for,” ani Roger. “There ain’t nothing else they’re waiting for.”
Pinatumba ni Mayweather, tinalo si Marquez noong 2009, si Victor Ortiz sa fourth round noong Setyembre para maagaw sa huli ang hawak nitong WBC welterweight crown.
- Latest
- Trending