Catalan muling nagkampeon sa SEAG cycling

WEST JAVA, Indonesia -- Determi­nas­yon.

Sa ganitong salita sinuma ni Alfie Ca­talan ang rason kung bakit napagta­gumpayan niyang bigyan muli ng gintong medalya ang Pilipinas sa larangan ng 4-kilometer Individual Pursuit sa track event ng cycling kahapon sa Rawamangun Velodrome sa West Java.

Naghari noong 2005 at 2007 SEA Ga­mes pe­ro naisuko ang titulo ng wa­lang laban matapos hindi makalaro sa Laos noong 2009 dahil sa problema sa li­derato ng cycling, inanunsyo ni Catalan ang kanyang pagbabalik nang talunin si Projo Waseso ng Indonesia at ibigay ang kauna-unahang ginto ng cycling team.

"Determinasyon at tiwala sa sarili ang nagtulak sa akin para manalo rito. Ma­raming problema kaming hinarap gaya ng walang exposure at hindi magandang trai­ning venue pero kahit anong duma­ting na problema, kung dedicated ka, ma­nanalo ka," wika ni Catalan.

Pumangalawa lamang sa quali­fying round kay Waseso, kinailangan rin ni Ca­talan na kumaripas matapos makauna ang hometown bet at sa ikalawang ikot.

Nagsumite si Ca­talan ng tiyempong 4:53.103 para sa gold medal kasunod si Wa­seso na may oras na 4:56.103.

Show comments