Donaire lalabanan si Vazquez sa Pebrero ng 2012 para sa bakanteng WBO super bantamweight title

MANILA, Philippines - Sa kanyang pagbitaw sa kanyang ha­wak na WBO at WBC bantamweight belts, nakahandang labanan ni Nonito 'The Filipino Flash' Donaire, Jr. si Wilfre­do Vazquez Jr. ng Puerto Rico para sa WBO super bantamweight crown sa su­sunod na taon.

Ito ay matapos ihayag ni WBO pre­sident Francisco Valcarcel ang pag­bakante ni Mexican Jorge Arce sa kan­yang titulo upang bumaba ng weight di­vision.

Kaya naman gustong itakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang Do­naire-Vazquez fight para sa nabakanteng WBO super bantamweight title sa Peb­rero ng 2012.

 “Top Rank is looking to make a fight between Nonito Donaire, Jr. and Wil­fredo Vazquez, Jr., which could be held in February 2012,” sabi ni Valcarcel.

Kasalukuyang tangan ng tubong Ta­libon, Bohol na si Donaire ang 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs matapos talunin si Omar Narvaez ng Ar­gentina via unanimous decision noong Ok­tubre 22 sa Madison Square Garden sa New York.

Ang WBC at WBO bantamweight titles ni Donaire ay mula sa kanyang second-round KO kay Mexican Fernando Montiel no­ong Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.

Bitbit naman ni Vazquez ang kanyang 20-1-1 (17 KOs) card.

Si Donaire ay nagkampeon na sa IBF at IBO flyweight division noong 2007.

Bukod kay Vazquez, nasa listahan rin ni Arum para kay Donaire si Toshiaki Nishioka (39-4-3, 24 KOs) ng Japan.

Nakatakdang hamunin ni Arce (58-6-1, 44 KOs) si Angky Angkotta (25-5-0, 14 KOs) ng Indonesia para sa dating suot ni Do­naire na WBO bantamweight belt sa Nob­yembre 26 sa Mexico.

Show comments