Para makasabay ang mga national fencers sa SEA games
PALEMBANG, Indonesia --- Kailangang makakuha ng suporta ang national fencers kung nais ng bansa na maibalik ang dating mataas na estado nito sa Southeast Asia.
Ito ang sinabi ni head coach Orly Vizcayno matapos magkaroon lamang ng isang ginto at tatlong bronze medals ang ipinadalang koponan sa 26th SEA Games.
Sina Wally Mendoza, Gian Carlo Nocom, Edwin Velez at Eric Brando III ay nakontento lamang sa bronze medal sa men’s team sabre event nang tanggapin ang 33-45 pagkatalo sa kamay ng Malaysia sa pagtatapos ng kompetisyon sa University of Indonesia sa Bekasi, West Java.
“Our outcome in fencing reflect lack of preparation and foreign exposure compared to our rivals,” wika ni Vizcayno.
Bago nagsimula ang laro ay mataas ang paniniwala ng koponan na makakaya nilang maulit ang 3 gold at tig-6 na silver at bronze medals na naiuwi sa 2007 SEA Games sa Thailand na huling nagdaos ng fencing event.
Pero tanging si Mendoza lamang ang pinalad na manalo sa men’s individual sabre.
Hindi nakapaghatid ng medalya ang women’s foil team na binuo nina Dinah Remolacio, Mia Howell at Veena Nuestro nang maungusan ng Singapore, 41-44, sa quarterfinals.
Bago lumaban sa SEA Games, ang fencers ay nagkaroon lamang ng dalawang linggong pagsasanay sa China, habang ang mga nakalabang fencers ay nagsanay at naglaro sa mga torneo sa Europe.
Ang Vietnam ang nangunguna sa apat na ginto, habang ang Thailand ay mayroong tatlo.
Ang Malaysia ay may isang ginto tulad ng Pilipinas at 3 bronze medals.
- Latest
- Trending