PALEMBANG, Indonesia, Philippines --- Isang panalangin ang kaagad na ginawa ni Iris Ranola matapos makarating sila ng kababayan at nagdedepensang kampeon si Rubilen Amit sa finals ng women’s 9-ball singles event ng 26th Southeast Asian Games dito.
“Nagdasal po ako at sinabi ko lang na kung ibibigay ang gold ay sobrang okey ito. Pero kung hindi naman ay okey din dahil ang panalo rito ay ang Pilipinas,” wika ni Ranola.
Dininig ng Panginoong Diyos ang kanyang dasal dahil tinalo niya ang dating kampeong si Amit, 7-2, sa finals para maging kauna-unahang double gold medalist ng Pilipinas sa ginaganap na biennial event.
Bago ang pananaig kay Amit ito ay tinalo muna ni Ranola si Amanda Rahayu ng Indonesia, 5-1, sa finals ng 8-ball singles noong Martes.
Si Amit ang gold medal winner sa 8-ball at 9-ball singles noong 2009 SEA Games sa Laos.
“Sinuwerte din lang po ako dahil magaling si Rubilen,” dagdag pa ni Ranola na tubong Zamboanga at inialay ang mga panalo sa may sakit na ama.
Naitala ang All-Filipina finals nang manalo si Ranola kay Huynh Phi Ngoc Huyen ng Vietnam, 7-3, habang 7-4 naman ang hinablot ni Amit kay Hoe Shtj Wha ng Singapore.
Ito na ang ikatlong ginto na hatid ng mga cue artists matapos maghari si Dennis Orcollo sa men’s 8-ball singles event.