DUMAGUETE City, Philippines - Dinomina ng Cebu City ang halos lahat ng sports disciplines sa Day 3 ng Batang Pinoy 2011 Visayas qualifying leg dito.
Tinampukan nito ang panalo ng nakababatang kapatid ni World Boxing Organization Asia Pacific bantamweight champion AJ ‘Bazooka’ Banal na si Hipolito Banal Jr.
Maliban sa archery na pinamahalaan ng host Dumaguete City, kinuha ng Cebu City ang mga gold medals sa badminton, table tennis, judo, taekwondo, chess at swimming upang maging virtual overall champion.
Hindi pa kasama ang mga resulta sa Day 2 sa swimming, lawn tennis at boxing, nakakolekta na ang Cebu City ng 42 golds, 24 silvers at 23 bronzes sa event na suportado ng Smart, Maynilad at Summit Natural Drinking Water.
Nasa ikalawang puwesto ang Bacolod City sa nahakot na 26 golds, 20 silvers at 19 bronzes kasunod ang Leyte na may18 golds, 12 silvers at 10 bronzes.
Nagpakita ng lakas ang Dumaguete City sa archery event mula sa mga panalo nina Crisha Mae Merto sa girls' FITA double 18m round (481); Karl Kristian Mari sa boys' FITA double 18m round (535) at Olympic round individual (131); Althea Nasha Dionaldo, Frances Pearl Liu at Chrisha Mae Merto sa girls' team Olympic round (178); Churt Lozano, Karl Kristian Mari at Julian Teves sa boys' team Olympic round (184) at ang mixed team nina Karl Kristian Mari at Crisha Mae Merto (136).
Umiskor naman ng mga panalo sina Banal Jr. at Jurel Jimenez sa semifinal matches sa paperweight (44 kilograms) at light pinweight (48kg), ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Banal, isang Grade 6 student mula sa Talamban Elementary School , si Glen Mark Inojales ng Tagbilaran City, 5-0, para makapasok sa finals.
"Gusto ko rin po maging boxing champion tulad ng kuya ko,” ani Banal, sumuntok ng silver medal sa 2010 Tarlac Palaro.