MANILA, Philippines - Kung maduduplika nila ang nagawa sa 2009 Laos SEA Games, nakakatiyak na ng 28 ginto ang Pilipinas sa gagawing 26th SEA Games sa Indonesia na bubuksan na sa Nobyembre 11.
May 38 gintong medalya ang napanalunan ng Pilipinas sa Laos at ang 25 atleta na nanalo noong 2009 ay bumalik para pangunahan ang laban ng Pambansang delegasyon sa Indonesia.
Nangunguna ang athletics na ibinalik ang pitong atletang nag-uwi ng ginto na binubuo nina Rene Herrera, Arniel Ferrera, Danilo Fresnido, Eduardo Buenavista, Marestella Torres, Rosie Villarito at Jho-An Banayag.
Ang iba pang gold medalists na babalik ay sina Charly Suarez, Josie Gabuco at Alice Kate Aparri sa boxing, Rubilen Amit sa billiards, Nathaniel “Tac” Padilla sa shooting, Ryan Arabejo sa swimming, Alexander Briones at ang women’s poomsae team nina Francisca Camille Alarilla, Ma. Carla Janice Lagman at Rani Ann Ortega sa taekwondo, Cecil Mamiit sa tennis, Jennifer Chan sa archery, Chihiro Ikeda ng golf, John Baylon at Nancy Quillotes ng judo, Jimmy Angana, Margarito Angana at Jason Balabal ng wrestling, Mark Eddiva at Marianne Mariano ng wushu.
Dalawang ginto ang ibinigay ni Amit sa women’s billiards habang sina Mamiit at Ikeda ay nanguna rin sa team event para magkaroon din ng tig-dalawang ginto.
Target ng Pilipinas na mahigitan ang fifth place na pagtatapos sa nagdaang edisyon at umaasa ang mga sports officials ng bansa na mananalo ang ilalabang 524 atleta ng hanggang 80 ginto.
Malaki ang potensyal na maabot ang target na ito dahil lalaro ang Pilipinas sa 39 mula sa 44 sports events na paglalabanan sa Indonesia.
Umabot lamang sa 25 sports events ang pinaglabanan sa Laos at sa bilang na ito ay 21 NSAs ang nagdeliver ng medalya.
Kasama sa ibinalik sa Indonesia ay ang mga team sports na men’s at women’s basketball, baseball, men’s at women’s softball na kung saan malakas ang Pilipinas.
Sina boxers Bill Vicera at Annie Albania, pool player Ronato Alcano, karateka Marna Pabillore, swimmer Miguel Molina at Daniel Coakley, jins Tshomlee Go at Ma. Antoinette Rivero at Muay Zaidi Laruan na naghatid ng 10 pang ginto sa Laos ay hindi kabilang sa delegasyon ngayon.