MANILA, Philippines - Dalawang batang jins mula sa Baguio at tig-isa naman mula sa Olympia, Region 1, FEU at San Sebastian ang tinanghal na best players sa nakaraang Smart MVP Best of the Best taekwondo championships sa San Miguel by the Bay, Music Hall, Mall of Asia.
Bitbit ang kulay ng Baguio Defenders, nangibabaw sina Christian Dugtungan at Tristan Cayago sa Group 5 grade school event at sa junior men finweight class, ayon sa pagkakasunod.
Hiniya ni Dugtungan si Vincent Guirao ng Region sa finals, habang ginapi ni Cayago si Ralph Luteria ng Olympia para sa gold.
Ang iba pang top performers sa naturang torneo na suportado ng Smart Communications, Inc., MVP Sports Foundation at PLDT ay sina Alexa Rabino ng Olympia (grade school girls), Region 1’s Thelma Caoile (bantam, junior women), FEU’s Romelle Roa (feather, senior men) at San Sebastian’s Justine Magdamit (fin, senior women).
Tinalo ni Magdamit si Patricia Sembrano ng Baguio defenders, sinilat ni Roa ang teammate na si Jude Solis, winalis ni Caoile si D’Cub’s Zia Baluyot at dinomina ni Rabino si Aitana Fias-Ilon ng Baguio Defenders sa group 3.
Umagaw rin ng eksena ang senior men’s bet ng San Beda matapos magsubi ng 4 na gold--mula kina fin Eric Bunda, bantam Kevin Ngitngit, light Alvince Cuvinar at welter Alvince Servito.