Brgy. Bagumbayan sumalo sa 2nd place

MANILA, Philippines - Ngasanib puwersa sina Artjay Portalito at Berto Escatron sa malakas na opensa sa second half upang trangkuhan ang Barangay Bagumbayan sa 101-92 panalo laban sa Barangay Tipas Napindan nitong weekend sa 1st Handy Fix Super League National Barangay Championship sa Cayetano Sports Complex sa Taguig.

Ito ang unang kabiguan ng Tipas Napindan matapos ang apat na tagumpay, habang ikatlong panalo naman ito ng Bagumbayan sa kanilang limang laro na nagdala sa kanila sa pakikisalo sa Barangay Maharlika sa ikalawang puwesto sa standings.

 Nagsosyo ang Barangay Fort Bonifacio at Barangay Bicutan sa third place sa kanilang 2-3 kartada, habang nalubog naman ang Barangay Tuktukan sa ilalim ng standings sa 0-5 kartada.

Sa Manila, nanalo ang Barangay 678 via walk-over sa Barangay 753 habang sa Pasay, nananatiling walang talo ang Barangay 76 (AIMS) sa limang laro.

Show comments