Pagulayan sumargo ng 2 panalo, umabante sa Finals bracket
MANILA, Philippines - Pinagtibay ni 2005 champion Alex Pagulayan ang paghahabol sa 2011 US Open 9-Ball Championship title nang umusad ito sa Finals bracket sa kompetisyong inilalaro sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake Virginia, USA.
Dalawang panalo ang kinuha ni Pagulayan kasama ang 11-0 sa kababayang si Warren Kiamco upang maging isa sa walong bilyarista sa winner’s group na aabante sa Finals bracket.
Bago si Kiamco ay tinuhog muna ni Pagulayan si Stan Shuffett sa 11-4 iskor.
Nakasama naman ni Kiamco na nasa one-loss side sina Jundel Mazon, Lee Van Corteza at Antonio Lining na natalo sa mga hinarap na laro.
Hindi kinaya nina Mazon at Corteza ang husay ni Kenichi Uchigaki nang tuhugin sila nito sa 11-9 at 11-2 iskor habang si Lining na nanaig muna kay Ralf Souquet, 11-7, ay umuwing talunan kay Johnny Archer, 11-3.
Sa pangyayari, kailangan nina Kiamco, Mazon, Corteza at Lining na masama sa walong manlalaro sa loser’s side na aabante sa huling yugto ng sagupaan.
Kalaban ni Mazon si Saez; si Corteza ang babangga sa mananalo kina Naoyuki Oi at Phil Burford; si Lining ay makakaharap ng magwawagi kina Darryl Peach at Shuffett habang si Kiamco ang makakasukatan ng mananalo sa pagitan nina Niels Feijen at Jonathan Pinegar.
Isang kabiguan ang tuluyang tatapos sa laban ng mga nasa loser’s side.
Nagpahinga na rin si Antonio Gabica nang matalo kay Mike Dechaine, 11-5, sa laro sa loser’s bracket.
Maliban kay Gabica ay manonood na lamang sina Israel Rota at Jose “Amang” Parica.
- Latest
- Trending