P18M gagastusin ng PSC sa Batang Pinoy

MANILA, Philippines - Gagastos ng P18 mil­yon ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbabalik ng Batang Pinoy.

Naglaan ng P2.5 milyon ang PSC sa limang na re­gional qualifying tournament habang ang nala­labing pera ay para sa Na­tional Finals na gagawin mula Disyembre 10 hanggang 13 sa Naga City, Camarines Sur.

Mga Olympic sports na archery, arnis, athletics, badminton, 3 on 3 basketbal, boxing, chess, gymnastics, judo, swimming, table tennis, taekwondo, tennis, weightlifting at wrestling ang gagawin sa mga regional games habang ang triathlon at shooting ay isasama sa National Finals.

Unang regional elimi­na­tion ay itinakda sa Zam­boan­ga City mula Oktubre 27-30 at susunod dito ang Dumaguete City mula Nobyembre 10-13 para sa Visayas; Baguio mula Nobyembre 24-27 para sa Northern Luzon: University of Makati mula Nobyembre 29-Disyembre 2 para sa NCR at Sta. Cruz, Laguna mula Disyembre 4-7 para sa Southern Luzon.

Gagamitin ng PSC ang Batang Pinoy para pumili ng manlalaro na ilalaban sa Youth Olympic Games sa Nanjing China sa 2014.

Show comments