MANILA, Philippines - Mapupuno ng tensyon ang The Arena sa San Juan City ngayon dahil magtutuos sa huling pagkakataon ang San Sebastian at Letran sa pagtatapos ng 87th NCAA men’s basketball.
Ganap na alas-4 ng hapon gagawin ang huling sayaw sa pagitan ng Stags at Knights at ang mananalo sa bakbakan ay siyang makakatunggali ng nagdedepensang San Beda sa best of three finals.
Naitakda ang rubbermatch na ito nang hiritan ng Knights ang Stags ng 70-62 panalo noong Lunes.
Ito ang ikatlong sunod na pagkatalo ng tropa ni rookie coach Topex Robinson at pang-apat sa huling limang laro upang magkaroon ng pagdududa sa kakayahan pa ng koponan na makabalik ng Finals sa ikatlong sunod na taon.
Pero hindi binibili ni Knights coach Louie Alas ang mga haka-hakang ito dahil alam niyang totodo ang kalaban para maipanalo ang larong ito.
“Wala kaming advantage kahit nanalo kami sa last game. Nakita naman natin ang ginawa nila sa second game ng San Beda lumaban sila matapos matambakan. Kaya expected ko na ganito rin ang mangyari,” wika ni Alas na nais na ibalik ang koponan sa championship round na huling nangyari noon pang 2007.
Umaasa siyang magpapatuloy ang magandang ball movement ng kanyang bataan bukod pa sa solidong depensa para maisakatuparan ang pangarap na makabalik Finals.
Si Kevin Alas ang pambato niya pero malaki ang maitutulong sa target na panalo kung gagana sina Jam Cortes at Mark Cruz na siyang nagsilbing tinik sa Stags sa fourth period.
Samantala, magtutuos muna ang Letran Squires at CSB-La Salle Greenhills sa ganap na ika-2 ng hapon at ang mananalo ay aabante sa juniors finals laban sa San Beda.