Marquez dudurugin ni Pacquiao sa ibabaw ng ring
MANILA, Philippines - Kung dati ay may nararamdaman pang awa si Manny Pacquiao sa kanyang kalaban na si Juan Manuel Marquez ng Mexico, hindi ito makikita kapag sumampa na siya sa ring sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Mismong si Pacquiao ang nagtiyak na todo ang ipakikitang laban kontra kay Marquez dahil may pagka-personal para sa kanya ang ikatlong sagupaan na ito.
Banas si Pacquiao sa mga binitiwang pananalita ni Marquez na siya ang tunay na nanalo sa unang dalawang sagupaan noong 2004 at 2008. Nauwi sa tabla ang unang bakbakan habang split decision naman ang kinuha ni Pacman sa ikalawang pagtutuos.
“This time, I have less compassion for my opponent,” wika ni Pacquiao kay Tim Smith ng New York Daily News.
“This is a kind of personal. But you still have to do you job. I have to prove that I’m doing right in my job,” paliwanag pa ng kasalukuyang pound for pound king at hari sa WBO welterweight division.
Walang sawa ang ginawang pagsasanay ni Pacquiao sa Wild Card gym sa ilalim ng pagmamasid ni trainer Freddie Roach.
Sa umaga ginagawa ang road work habang sa hapon naman sinasanay ni Pacquiao ang mga dapat niyang gawin para talunin si Marquez.
Kung ang sparring ang titingnan, hindi nga nagpapabaya si Pacquiao dahil ang mga sparmates na sina Jorge Linares at Hastling Bwalya na kasapi ng Zambia boxing team na naglaro sa 2008 Beijing Games, ay duguan na matapos patikimin ng malalakas na suntok.
“Step by step, I get in better condition,” wika pa ng Pambansang kamao.
Bukod sa patahimikin si Marquez, isa rin sa nagtutulak sa kanya para magsanay ng todo ay upang hindi mapahiya sa milyun-milyong tagahanga na umaasang makakakita ng magandang laban sa Nobyembre 12.
- Latest
- Trending