MANILA, Philippines - Aminado si American trainer Freddie Roach na kayang makipagsabayan ni Juan Manuel Marquez sa kay Pacquiao kagaya ng kanilang naunang dalawang laban.
Ito ay dahilan na rin sa eksperyensa at diskarte sa ibabaw ng boxing ring ng Mexican world lightweight champion.
“Marquez is one of those guys that can make adjustments and deal with improvements of Manny,” wika ni Roach sa 38-anyos na si Marquez, lalabanan ng 32-anyos na si Pacquiao sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, isang draw ang naitakas ni Marquez sa kanilang unang laban ni Pacquiao noong Mayo ng 2004.
Inagaw naman ni ‘Pacman’ ang suot na WBC super featherweight title ng Mexican via split decision sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2008.
Ayon kay Roach, malaki na ang ipinagbago ng Filipino world eight-division champion matapos ang tatlong taon sapul nang talunin si Marquez.
Kabilang sa kanyang mga tinalo sina David Diaz (TKO-9th), Oscar Dela Hoya (RTD-8th), Ricky Hatton (KO-2nd), Miguel Cotto (TKO-12th), Joshua Clottey (UD), Antonio Margarito (UD)at Shane Mosley (UD).
Ang mga nakasagupa naman ni Marquez matapos ang kanilang rematch ni Pacquiao ay sina Joel Casamayor (win-KO-11th), Juan Diaz win-TKO-9th), Floyd Mayweather, Jr. (loss-UD), Juan Diaz (UD), Michael Katsidis (win-TKO-9th) at Likar Ramos (win-KO-1st).
Pinatulog ni Marquez si Katsidis para sa WBA Super World at WBO lightweight titles noong Nobyembre 27, 2010.
Idedepensa ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang hawak na WBO welterweight crown kontra kay Marquez (53-5-1, 39 KOs) sa Nobyembre 12 sa MGM Grand.
Samantala, natalo ang sparmate ni Pacquiao na si Jorge Linares (31-2-0, 20 KOs) laban kay DeMarco (26-2-1, 19 KOs) via 11th-round TKO para sa bakanteng WBC lightweight title kahapon.