MANILA, Philippines - Sa kanyang unang pag-akyat sa boxing ring bilang bagong sparmate ni Manny Pacquiao ay kaagad na nagpasikat si South African Hastings Bwalya.
Niyaya ni Bwalya, nagbabandera ng 7-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 5 KOs, si Pacquiao na umakyat ng ring at simulan na ang kanilang sparring session kasabay ng kanyang mga pagyayabang.
Ngunit sa second round ay kumonekta ang Filipino world eight-division ng ilang kombinasyon at isang uppercut na siyang nagpadugo sa ilong at bibig ng Zambia Olympian.
“Are you OK,” sambit ni Pacquiao kay Bwalya na pinaulanan pa niya ng mga suntok hanggang matapos ang naturang bahagi ng kanilang three-round sparring session.
Ang 26-anyos na si Bwalya, naging sparring partner ni Floyd Mayweather, Jr. para sa nakaraang laban nito kay Sugar Shane Mosley, ay inirekomenda ni cutman Miguel Diaz kay trainer Freddie Roach.
Matapos upakan si Bwalya, natalo sa first bout kay Mongolian Uranchimegiin Mönkh-Erdene sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China, hinarap naman ni Pacquiao si regular sparring partner Ray Beltran sa loob ng apat na rounds.
Muli namang bumalik sa boxing ring si Bwalya para sa rounds seven at eight kung saan siya tuluyang pinatahimik ng 32-anyos na Sarangani Congressman.
Natapos na ang pakikipag-spar ni two-time world boxing champion Jorge Linares ng Venezuela kay Pacquiao.
Naghahanda si Linares para sa kanyang laban kay Antonio DeMarco bukas sa undercard ng light heavyweight championship fight nina Bernard Hopkins at Chad Dawson sa Staples Center sa Los Angeles.
Pag-aagawan nina Linares, may 31-1-0 win-loss-draw ring ecord kasama ang 20 KOs, at DeMarco (25-2-1, 18 KOs) ang bakanteng World Boxing Council (WBC) lightweight title.
Itataya naman ni Pacquiao (53-3-2, 38 KOs) ang kanyang suot na WBO welterweight title laban kay Juan Manuel Marquez (53-5-1, 39 KOs) sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.