MANILA, Philippines - Tumulak patungong Korea kamakailan ang RP taekwondo team upang magsanay bilang paghahanda sa nalalapit na 26th Southeast Asian Games na gaganapin sa Indonesia ngayong Nobyembre 11-22.
Kabilang sa grupo ang mag-pipinsan na sina Camille Alarilla, Janice Lagman at Rani Ortega na nanalo ng kauna-unahang gold medal para sa bansa sa poomsae event ng 2009 SEA Games. Ang tatlo ay miyembro ng Smart National Taekwondo team at sila rin ang nag-uwi ng bronze medal mula sa 6th Taekwondo Poomsae Championships na ginanap sa Vladivostok, Russia noong Hulyo.
Ang koponan na suportado ng Smart Communications, Inc. (Smart) ay abala sa pag-ensayo ng mula walo hanggang sampung oras kada araw bilang paghahanda sa nalalapit na SEA Games.
“Just because we won the gold in the last SEA Games doesn’t mean we can start relaxing,” wika ni Lagman na labing-isang taon na sa taekwondo.
Kasama rin sa poomsae team ang tubong Cagayan de Oro na si Shaneen Sia at si Jean Pierre Sabido.
Ang RP Taekwondo team ay mananatili sa Korea ng dalawang linggo.