Si Barnachea ang kampeon sa LBC Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines - Pinutungan ni rider Santy Barnachea ng Eastern Pangasinan ang sarili bilang unang three-time Tour champion matapos ang halos 50 taon.
Matagumpay na naidepensa ni Barnachea ang kanyang suot na red jersey sa 41.4-kilometer race sa inulan na Roxas Boulevard kahapon upang pagharian ang overall individual event ng 12-lap, 17-day 2011 LBC Ronda Pilipinas.
Mula sa mainit na panahon hanggang sa pananalasa ng nakaraang tatlong bagyo, matapang na hinarap ng tubong Uminggan, Pangasinan ang mga ito.
Maliban sa pag-angkin sa premyong P1 milyon, inihanay rin ng 35-anyos na si Barnachea ang kanyang sarili katabi si Antonio Arzala na nagkampeon ng tatlong beses sa Tour noong 1955, 1956 at 1959.
“Itong premyong ito ay ilalaan ko para sa pag-aaral ng mga anak ko,” sabi ni Barnachea sa kanyang nakuhang premyo.
Sa kabuuan, nagtala si Barnachea ng tiyempong 36 oras, 57 minuto at 47 segundo para ungusan si Joel Calderon ng Nueva Ecija (37:03:52).
Si Calderon, nagkampeon noong 2009, ang nanguna sa anim na laps bago maunahan ni Barnachea.
Tumanggap si Calderon ng P500,000 kasunod si Geroge Oconer, ang 19-anyos na anak ni 1988 Seoul at 1992 Barcelona Olympics veteran Norberto Oconer, na nagtala ng bilis na 37:04:00 para sa P250,000 bukod pa ang P100,000 sa pag-angkin sa Rudy Project Best Young Rider title at Air Asia Sprint King category.
- Latest
- Trending


















