Nietes Bagong World Light Fly Champion
MANILA, Philippines - Isama na si Donnie `Ahas’ Nietes sa grupo ng mga multi-titled Filipino boxers na kagaya nina Manny Pacquiao, Luisito Espinosa, magkapatid na Dodie Boy at Gerry Peñalosa, Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Ito ay matapos talunin ni Nietes si Ramon Hirales Garcia via unanimous decision para agawin sa Mexican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) light flyweight title noong Sabado ng gabi sa St. La Salle Coliseum sa Bacolod City.
Ang 29-anyos na tubong Murcis, Negros Occidental ay dating kampeon ng WBO minimumweight division.
Naging agresibo si Nietes mula sa opening bell bago maikonekta ang isang uppercut na nagpauga kay Garcia.
Bumawi naman si Garcia nang magpaulan ng mga left straight at combinations sa round seven hanggang magkauntugan sila ni Nietes sa round ten na nagresulta sa putok sa kaliwang mata ng Pinoy.
Sa kabila nito, hindi pa rin nawala ang porma ni Nietes patungo sa kanyang panalo kay Garcia.
Tumanggap si Nietes ng 115-113 kay Filipino judge Danrex Tapdasan, 118-110 kay Liza Giampa ng Nevada at 117-111 kay Carlos Ortiz, Jr. ng New York laban sa 29-anyos ring si Garcia.
Itinaas ni Nietes ang kanyang win-loss-draw ring record sa 29-1-3 kasama ang 16 KOs kumpara sa 16-2-1 (9 KOs) card ni Garcia.
Humingi naman ng rematch ang kampo ni Garcia.
“We want a rematch,” sabi ni trainer Leo Camacho. “With those kinds of judges, we will never have a chance of winning.”
Naidepensa ni AJ `Bazooka’ Banal (26-1-1, 19 KOs) ang kanyang WBO Asia-Pacific bantamweight title mula sa isang unanimous decision win kay Mario Briones (20-1-1, 14 KOs) ng Mexico.
- Latest
- Trending



















