MANILA, Philippines - Hinirang na kampeon ang University of Manila sa NAASCU nang talunin ang STI, 69-66, na nilaro sa Makati Coliseum.
Sina Jeff Alvin Viernes at Eugene Torres ang gumawa sa mahalagang yugto ng labanan at tumapos taglay ang 24 at 20 puntos para sa Hawks upang manaig sa Olympians at mapanatiling hawak ang men’s title sa ikalawang sunod na pagkakataon.
“Matapos kaming matalo sa STI sa pagbubukas ng liga ay naging determinado ang mga bata sa mga sumunod na laro. Kaya talagang nararapat sila sa titulong ito,” wika ni UM coach Jojo Castillo na may dalawang sunod na titulo at kapos pa ng tatlo para pantayan ang lima na ibinigay ni Loreto Tolentino sa koponan mula 2001.
Si Viernes ang hinirang bilang MVP at lumabas din bilang scoring champion at nakasama niya si Torres sa Mythical team kasama sina Maclean Sabellina ng STI, Mark Montuano ng Informatics International Colleges at John David Orbeta ng CEU.
Si NAASCU president Dr. Jay Adalem kasama si commissioner Igmidio “Boy” Cahanding ang naggawad ng mga tropeo sa mga piling manlalaro na kinabilangan din nina Jay-Ar Manuel ng UM bilang Rebounding champion; Fil-Am Andrew River ang UM bilang Assist King; Jasprit Sanghera ng Informatics bilang Shot Block King at Jiovanni Jalalon ng Informatics na nanguna sa steals.