MANILA, Philippines - Nang bumalik sa Pilipinas si PBA Best Import Billy Ray Bates para sa pagluluklok sa kanya sa PBA Hall of Fame sa pagbubukas ng 37th season ng PBA noong Linggo ay may naisip na siyang opsyon.
Sinabi ni Bates, kinilalang ‘Black Superman’ sa PBA matapos matulungan ang Crispa Redmanizers sa ikalawang PBA Grandslam nito noong 1983 at gumiya sa Anejo Rhum noong 1986 hanggang 1988 para sa kanyang huling paglalaro, na gusto niyang manatili sa bansa.
“It would bring in more fans, you know what I mean. Because people would want to see The Black Superman,” ani Bates sa pangarap niyang pagiging coach sa PBA.
Isa ang Philippine Patriots, kumakampanya sa Asean Basketball League (ABL), sa nagkaroon naman ng interes sa 55-anyos na si Bates, gustong sumunod sa mga yapak nina Norman Black at Bobby Parks na mga coaches ngayon ng UAAP four-peat champions Ateneo Blue Eagles at ABL expansion team na San Miguel.
Ayon kay Patriots co-owner Mikee Romero, kukunin nila ang serbisyo ni Bates bilang skills coach.
Pinag-uusapan rin ang pagkuhang muli ng Grosby Shoes kay Bates, nagtrabaho sa isang recycling company sa United States, para sa kanilang ilalabas na “Black Superman Snickers.”