5 ginto sa karatedo, gymnastics sa SEAG
MANILA, Philippines - Hindi bababa sa pinagsamang limang ginto ang puwedeng manggaling sa ipadadalang koponan ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at Philippine Karatedo Federation (PKF) sa gaganaping 26th SEA Games sa Indonesia mula Nobyembre 11 hanggang 22.
Dumalo ang pangulo ng GAP na si Cynthia Carreon at PKF head Enrico Vasquez sa PSA Forum kahapon at ang una ay naniniwalang kayang makapaghatid ng tatlong ginto at dalawa naman ang sinisipat ng huli sa SEAG.
Ang kambal na Fil-Ams na sina Jean Nathan at Christian Monteclaro bukod pa kay Anna Finnegan ang mga mangunguna sa inaasahang ginto sa SEAG.
Ang magkapatid na Monteclaro ay maglalaro sa World Artistic Gymnastics Championships sa Tokyo, Japan mula Oktubre 8 hanggang 16 at dito makikilatis ang kanilang kahandaan para sa SEAG.
Sa kabilang banda, ang mga batang karatekas na ang iba ay nagkampeon sa Philippine National Games sa Bacolod ang babandera sa siyam na karatekas na ibabala sa SEAG.
Si Mae Soriano ang lalabas na pinakabeterano at makakasama ni Soriano na lalaban sa women’s -55 kgs. bilang potential gold medalists ang mga baguhang sina Antonino Franco (-55kgs), Jason Macaalay (-60kgs), Rexor Romaquin (-67kgs) at OJ Delos Santos (men’s Kata).
- Latest
- Trending