Barriga nakasilip ng pag-asa
BAKU, Azerbaijan - Matapos maipanalo ni Rey Saludar ang kanyang ikalawang laban sa AIBA World Championships, nagtala naman ng magkaibang resulta sina Mark Anthony Barriga at Joan Tipon.
Ginitla ni Barriga si Patrick Barnes ng Ireland, 20-12, samantalang yumukod si Tipon kay Zhang Jiawei ng China, 17-8, sa kani-kanilang laban.
Pinaglaruan lamang ng 18-anyos na si Barriga ang 24-anyos na si Barnes, ang 2008 Beijing Olympic Games bronze medalist.
Bagamat nagtangka si Barnes na umatake, ang mga uppercuts, straights at hooks ni Barriga ang nagpadugo sa ilong ng Irish boxer sa first round kung saan nakuha ng Pinoy ang 6-4 lamang.
Sa second round, pinilit na puwersahin ni Barnes si Barriga, ngunit gumanti ang Davao del Norte native para sa kanyang 13-8 bentahe patungo sa kanyang tagumpay.
Bago tumunog ang final bell ay isinuko na ni Barnes ang laban.
Ang mga counter hooks naman ni Zhang, ang 2010 Asian Games silver medalist, ang nag-iwan kay Tipon sa first round, 6-4 at maging sa second round, 12-6.
Susunod na makakatapat ni Barriga ang maalamat na si Zou Shiming, ang two-time world champion at Bejing Olympiad gold medalist na hindi pa natatalo simula noong 2007.
Makakatagpo naman ni Saludar si two-time Olympian Rau’Shee Warren ng United States.
Ang panalo nina Barriga at Saludar ang magbibigay sa kanila ng dalawang tiket para sa 2012 Olympic Games sa London.
Samantala, nagpadala naman si PLDT at ABAP chairman Manuel V. Pangilinan ng isang text message kina Saludar at Barriga sa pamamagitan ni delegation head Ed Picson.
“Tell Mark and Rey we continue to pray for them. They will overcome with determination and faith. Para sa bayan, itayo ang dangal ng Pilipino!” mensahe ni Pangilinan kina Saludar at Barriga.
- Latest
- Trending