MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng San Beda at Mapua ang paghahabol sa mahahalagang puwesto sa paggapi sa mga makakatunggali sa 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kakaharapin ng nagdedepensang Red Lions ang St. Benilde sa unang bakbakan sa ganap na alas-2 ng hapon at balak nilang layuan pa ang Letran na siya nilang mortal na karibal para sa mahalagang ikalawang puwesto at twice-to-beat advantage sa Final Four.
Solo ikalawang puwesto ang Lions na nangyari matapos ang di inaasahang pagyuko ng Knights sa host pero talsik ng University of Perpetual Help System Dalta, 53-68, nitong Lunes.
Ang tinamong pagkatalo sa Jose Rizal University ang inaasahan ni coach Frankie Lim na nagbukas sa mata ng kanyang manlalaro na dapat todo-bigay sila sa bawat labanan.
Ang Blazers na may 5-9 record at may dalawang dikit na talo na haharap sa labang ito ay hindi rin dapat maliitin dahil inspirasyon ng koponang nabawasan ng dalawang key players, ang katotohanang palaban pa rin sila sa ikaapat at huling puwesto patungo sa semis.
Samantala, babanggain uli ng Cardinals ang Arellano sa tampok na laro dakong alas-4 at nangangailangan ng panalo para masolo uli ang ikaapat na puwesto sa standings.
Tabla sa 7-9 baraha ang Mapua at pahingang Jose Rizal University at mahalaga ang resulta ng labang ito para sa una dahil makakatapat nila ang Heavy Bombers sa kanilang huling laro sa double round elimination.
“Mahalaga itong laro na dahil kung matatalo kami ay bababa ang chances namin sa Final Four. Alam naming nasa kamay pa namin ang aming chances para sa Final Four and we’re taking it one game at a time,” wika ni Cardinals coach Chito Victolero.
Magmumula ang Cardinals sa 98-73 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College para matapos din ang tatlong sunod na kabiguan.
Sina Josan Nimes, Yousef Taha at Allan Mangahas ang siyang aasahan sa labang ito para maduplika ang kinuhang 73-70 panalo ng Mapua sa first round.