MANILA, Philippines - Malakas na hangin at walang tigil na ulan dulot ng bagyong si Pedring ang nagtulak sa pamunuan ng UAAP na ipagpaliban ang sana’y ikalawang pagkikita ng Ateneo at FEU sa best- of-three men’s basketball finals kahapon sa Araneta Coliseum.
Naidaos ang laro sa women’s at juniors pero minabuti na lamang ng UAAP officials na huwag ng ituloy ang aksyon sa men’s division dahil sa patuloy na pagsama ng panahon.
“Please be advised that due to inclement weather, the UAAP Board of Trustess has decided that the UAAP Awarding Ceremony and Men’s basketball Finals Game Two scheduled for today, September 27 will be postponed to October 1 (Saturday) at the Araneta Coliseum,” wika ng kalatas na ipinalabas ng pamunuan.
Ang mga nakabili ng tiket para sa laro kahapon ay tatanggapin naman sa Sabado.
Hanap sana ng Eagles na wakasan na ang best-of- three title series nila ng Tamaraws upang makumpleto ang asam na 4-peat.
May momentum ang tropa ni coach Norman Black matapos durugin ang bataan ni coach Bert Flores, 82-64, sa Game One na ginanap nitong Sabado.
Naidaos naman kahapon ang ikalawang tagisan sa women’s at juniors basketball at nakahirit ang mga talunang koponan sa Game One para magkaroon ng do-or-die game na gagawin sa Linggo sa The Arena sa San Juan.
Gumawa ng 18 puntos at 6 assists si Raiza Palmera habang sina Allana Lim, Camile Sambile at Karen Columna ay may 17, 14 at 13 puntos para tulungan ang FEU sa 72-50 dominasyon sa nagdedepensang Adamson sa women’s basketball.
Ang panalo ay pambawi ng koponan sa tinamong 60-56 pagkatalo sa unang tagisan para magkatabla sa 1-1.
Buhay pa rin ang paghahangad ng National University na magkaroon ng titulo sa UAAP basketball nang bawian ang FEU-FERN, 57-46, sa ikalawang laro.