Goodbye Olympics
MANILA, Philippines - Dito na natatapos ang pangarap ng Nationals na makalarong muli sa Olympic Games sapul noong 1972.
Kumulapso ang isang 11-point lead sa kaagahan ng fourth quarter at naimintis ang lima sa huling walong freethrows, natalo ang Smart Gilas Pilipinas sa matiyagang South Korea, 68-70, sa agawan para sa third place trophy ng 26th FIBA-Asia Men’s Championships kahapon sa Wuhan, China.
Nauna nang nabigo ang Smart Gilas sa Jordan, 61-75, sa semifinal round noong Sabado.
Ipinoste ng Nationals ang malaking 54-43 lamang sa 7:32 ng fourth quarter mula sa three-point shot ni 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag bago nakadikit ang mga Koreans sa 61-63 sa 2:53 nito galing sa isang four-point play ni Cho Sung-min kay Chris Lutz.
Huling nahawakan ng Smart Gilas ang unahan sa 65-61 galing sa basket ni 6-foot-11 naturalized Marcus Douthit sa 1:46 ng laro kasunod ang dalawang sunod na tres nina Cho at Moon Tae-jong para ibigay sa Korea, natalo sa China, 43-56, sa semis, ang 67-75 abante sa huling 47.3 segundo.
Ang split ni Douthit at dalawang sablay na freethrows ni Kelly Williams sa panig ng Smart Gilas, nagtayo ng isang 13-point advantage, 24-11, sa 1:40 ng second period, ang nagresulta sa charities ni Cho mula sa foul ni Mac Baracel na naglayo sa Korea sa 69-66 sa 22.9 segundo.
Matapos ang dalawang split nina Douthit at Marcio Lassiter para sa 68-69 agwat ng Nationals sa nalalabing 9.0 segundo, ibinigay naman ni Cho sa mga Koreans ang 70-68 bentahe sa huling 6.3 tikada para sa final score.
- Latest
- Trending