MANILA, Philippines - Umiskor ang nagdedepensang University of Manila ng impresibong panalo makaraang igupo ang Our Lady of Fatima University, 76-69 sa pagpapatuloy ng 11th NAASCU men’s basketball tournament sa Makati Colisuem.
Inilabas ni Eugene Torres ang pormang nagputong sa kanya ng MVP/ROY noong nakaraang season, matapos banderahan ang Hawks sa panalo sa paglista ng game-high 27 puntos at ibigay sa Sampaloc-based dribblers ang solong pangunguna sa ligang ito na inorganisa ni NAASCU president Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host school St. Clare College-Caloocan.
Ang kabiguan ay naglaglag naman sa Phoenix sa 6-5 win-loss slate kung saan namuno si Dexter Rosales na tumipa ng 24 puntos.
Nagdagdag naman sina Jeff Alvin Viernes at Andrew Rivera na nagbigay ng 23 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Hawks na suportado rin ng Zycare Pharma.
Sa ibang laro, nagpakitang gilas rin ang STI College nang kanilang pabagsakin ang Centro Escolar University, 67-63, habang nalusutan naman ng AMA Computer University ang Informatics International Colleges, 70-68.
Kapwa tumapos sina Jerald Bautista at RK Morales ng tig-15 puntos parasa Olympians na itinakas ang kanilang ika-9th na panalo matapos ang 11 laro na nagdala sa kanila upang masolo ang ikalawang puwesto.
Bunga ng pagkatalo ng CEU, nalaglag sila sa ikatlong puwesto.
Sumandig ang Titans sa husay ng dating UST mainstay na si Mark Mangalindan na kinumpleto ang three-point play may 1.5 segundo na lamang ang nalalabi sa laro upang ibigay sa koponan ang ikalimang panalo matapos ang 11 laro.