MANILA, Philippines - Tinapos ng UP Integrated School (UPIS) ang 55-game losing streak sa UAAP juniors basketball nang kunin ang 73-71 kapana-panabik na panalo sa overtime laban sa UE sa pagtatapos ng eliminasyon kahapon sa Ateneo Blue Eagles Gym sa Katipunan, Quezon City.
Si Adam Lopez na naglaro lamang ng 12 minuto upang lumabas na sariwa pa sa extention, ang siyang tumayong bida para sa Junior Fighting Maroons nang mapulot nito ang looseball at naipasok ang undergoal shot para ibigay ang dalawang puntos na kalamangan may 1.9 segundo sa orasan.
Humugot pa siya ng foul kay Ralph Lapada at kahit sablay ang extra free throw ay natapik naman ni Raymart Sablan ang bola upang maubos ang segundong natitira sa laro at mawakasan din ng koponan ang naunang 13 sunod na kabiguan.
Bago ang bakbakang ito ay may 0-13 karta ang UPIS sa taong ito.
Naghatid naman ng all-around game si Michael Quejada sa kanyang 6 points, 4 rebounds, 3 assists at 1 block at siya nga ang nagpaningas sa laro ng UPIS upang makabangon matapos maiwan sa 18-28 sa ikalawang yugto.