MANILA, Philippines - Ipinangalandakan ng San Beda ang mabangis nilang opensa habang nagsumigasig naman ang Mapua sa magkabilang dulo ng court upang kunin ang mga mahahalagang panalo sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 23 puntos si Garvo Lanete para pangunahan ang limang manlalaro na tumipak ng 10 puntos pataas at ang Lions ay gumawa ng kahanga-hangang 61% shooting performance sa field (46 of 75) para ilista ang 118-64 panalo sa Emilio Aguinaldo College.
Ang 54 puntos kalamangan ang pinakamatindi ng Lions dahil binura nito ang 109-63 tagumpay na kinuha ng koponan laban din sa Generals noong Setyembre 2, 2009.
Dahil sa panalong ito ay napanatili ng tropa ni coach Frankie Lim ang isa’t-kalahating larong agwat sa pumapangatlong Letran sa 10-1 baraha.
Nilimitahan naman ng depensa ng Cardinals si Chris Cayabyab sa 8 puntos habang si Josan Nimes ay gumawa ng 20 kasama ang 12 sa first period upang umalagwa agad ang kanyang koponan tungo sa madaling 80-59 panalo sa Lyceum isa pang laro.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Cardinals tungo sa 6-6 karta habang ang Pirate ay nalaglag sa 5-6 baraha pero sila pa rin ang may tangan sa mahalagang pang-apat na puwesto sa team standings.