MANILA, Philippines - Hindi pa rin napigilan ang tatlong kamador ng San Sebastian para palawigin ang pagpapanalo sa 11-0 sa pamamagitan ng 97-70 panalo sa Arellano University sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 24 puntos si Ian Sangalan, 23 si Calvin Abueva at 17 si Ronald Pascual para sa Stags na humarurot sa ikalawang yugto para mapanatili ang malinis na kartang tangan sa 10-koponang liga.
“Lagi kong ipinaaalala sa kanila na lahat ng teams ay palaban at hindi dapat sila nagkakaroon ng kumpiyansa,” wika ni Stags coach Topex Robinson.
May pitong rebounds at walong assists pa si Pascual para sa isang all-around game habang si Anthony Del Rio ay tumapos pa ng 10 puntos.
Mula sa limang puntos kalamangan matapos ang first period ay nagpakawala ng 25-11 palitan ang Stags at Chiefs upang hawakan ng Baste ang 42-23 bentahe sa halftime.
Hindi na nakabangon pa ang Chiefs na hindi nagamit ang serbisyo ng coach na si Leo Isaac dahil sa scouting trip sa US.
Nauna rito, lumapit naman sa kalahating laro agwat sa pangalawang puwesto ang Letran nang iuwi ang 75-56 tagumpay sa Jose Rizal University.
Si Kevin Alas ay mayroong 17 puntos, 6 rebounds at 5 assists para sa Knights na unti-unting nilayuan ang Heavy Bombers sa second half tungo sa ikalimang sunod na panalo at kabuuang 9-2 karta.
“Key dito ang rebounding namin lalo na sa third quarter kaya nakapagdomina kami,” wika ni Knights coach Louie Alas.
Inakala ng mga sumaksi sa laro na dikitan ang labanan dahil tabla ang magkabilang koponan sa 31-all sa halftime at angat lamang ng tatlo, 46-43, ang Knights matapos ang tatlong yugto.
Pero binulaga ng Letran ang tropa ni coach Vergel Meneses ng isang 25-9 run upang lumayo sa 71-52.
San Sebastian 97 – Sangalang 24, Abueva 23, Pascual 17, Del Rio 10, Dela Cruz 9, Miranda 8, Ferrer 4, Balabanag 2.
Arellano 70 – Celada 13, Zulueta 13, Lapuz 11, Doligon 8, Pagayunan 8, Acidre 6, Salcedo 5, Palma 2, Del Rosario 2.
Quarterscores: 17-12, 42-23, 73-44, 97-70.