Gallent naninimbang kung papalitan na siya ni Uichico
MANILA, Philippines - Sisimulan ng B-Meg ang kanilang team practice ngayong araw kasabay ng panghuhula kung si coach Jorge Gallent pa rin ang mamamahala nito.
“Baka ako pa rin ang mag-take charge wala pa kasing advise ang management eh,” sabi ni Gallent sa balitang si Jong Uichico na ang papalit sa kanya sa bench ng Llamados para sa 37th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre.
Si Uichico, gumiya sa Barangay Ginebra sa finals ng nakaraang 2011 PBA Commissioner’s Cup kung saan sila natalo sa Talk ‘N Text, ang inihayag ng San Miguel Corporation na sasalo sa puwesto ni Gallent sa B-Meg.
Pinalitan naman ni dating assistant Siot Tanquingcen si Uichico sa Gin Kings.
Muli namang nag-renew ng kanyang kontrata si 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava sa Meralco mula sa kanyang inilabas sa Twitter.
“Just (renewed) my contract with Meralco. Watch out. Beware of the Bolts,” tweet ng 2003 PBA Most Valuable Player at 38-anyos na si Taulava, maglalaro sa kanyang pang 13th season sa PBA.
Maglalaro naman si 6’7 Fil-Am Alex Crisano sa Powerade sa 2011-12 Philippine Cup.
Samantala, pinanatili ng Philippine Basketball Association ang pagkakaroon ng three-conference format, habang pinagtibay naman ang pagpapalaro sa mga import na may unlimited height sa Commissioner’s Cup.
Ito ang inihayag kahapon ni PBA Commissioner Chito Salud.
Pinagtibay ang pagpapalaro sa mga imports na may unlimited height sa second conference na Commissioner’s Cup at ang height limit na 6-foot-5 sa season-ending conference na Governors Cup.
“Unlike last year, there will be no handicapping this time in the tournament with 6-5 imports,” paglilinaw ni Salud.
Posibleng gamitin ng Talk ‘N Text si 6-foot-11 naturalized Marcus Douthit bilang import sa 2012 PBA Commissioner’s Cup.
- Latest
- Trending