MANILA, Philippines - Mga koponang nasa gitna ng team standings ang magtatangka ngayon na mapag-init ang paghahabol sa puwesto sa Final Four sa pagbabalik aksyon ng 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Mangunguna rito ay ang guest team Lyceum na mangangailangan ng panalo sa Jose Rizal University para maipakitang may kakayahan pa sila na magpasiklab sa liga.
Solo pa rin ang Pirates sa ikaapat na puwesto sa 4-5 karta ngunit tinapos nila ang first round elimination tangan ang tatlong sunod na kabiguan para masayang ang naunang 4-2 baraha.
Dakong alas-4 itinakda ang tagisan at naliliyamado naman ang Heavy Bombers lalo nga’t sila ang huling koponan na nagpatikim ng kabiguan sa Pirates sa 74-68 iskor.
Makabangon naman matapos ang mapait na 94-90 overtime kabiguan sa Mapua nitong Lunes ang nasa isipan ng St. Benilde sa pagharap sa host University of Perpetual Help System Dalta sa unang bakbakan ganap na alas-2 ng hapon.
Kontrolado ng Blazers ang laro sa Cardinals pero bumigay sila sa huling yugto bago tinalo ng Cardinals sa overtime para malaglag sa ikalima at anim na puwesto sa standings kasalo ang Mapua sa 4-6 karta.
Hindi pa tiyak kung 100 percent na maglalaro si Carlo Lastimosa na na-sprain sa huling labanan pero makakatulong sa Blazers ang pagbabalik ng back up center na si Jan Tan na sinilbihan ang one-game suspension sa huling asignatura.
Sina Chris Cayabyab (17.3), Floricel Guevarra (14.3) at Allan Santos (11 puntos) ang mga sasandalan ng Pirates para mabawian ang Heavy Bombers na ibabandera naman nina John Lopez (12.1) at Jeckster Apinan (10.3).
Tiyak na mag-aalab ang larong ipakikita ng tropa ni coach Vergel Meneses dahil manggagaling sila mula sa 70-59 pagkakadurog sa kamay ng Letran upang patuloy na hawakan ang tsansang mapasama pa sa Final Four.