PDBF inisnab ang ipinatawag na pulong ng PSC, PCKF

MANILA, Philippines - Nauwi sa wala ang pla­nong mediation meeting sa pagitan ng Philippine Dra­gon Boat Federation (PDBF) at Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) nang hindi sumipot ang una sa tanggapan ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon ng umaga.

Gumalaw ang PSC sa pangunguna ni chairman Ricardo Garcia para sana mahanapan ng solusyon ang problema sa dragon boat matapos makiusap ang Kongreso at Senado na ayusin na ang problema upang matiyak na palaban ang maipapadalang koponan sa 26th South East Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.

Pero nagpadala ng liham ang PDBF na pirmado ni secretary-general Pinky Castillo na naka-address kay Congressman Renato Unico na siyang chairman ng House Committee on Youth and Sports, na hindi sila makakadalo at walang ipinatala na kinatawan ang asosasyon sa pagpupulong.

“Ginawa natin ang meeting para sana maayos ang problema sa dragon boat. Pero ano ang magagawa natin kung may grupo na ayaw makipag-ayos. We can only do so much,” wika ng nadismayang si Garcia.

Sa hiwalay na pana­yam, sinabi ni PDBF president Marcia Cristobal na hindi sila makadalo dahil huli na ang abiso ng pagpupulong. Idinagdag pa nito na usapin dapat sa reinstatement sa POC ang dapat na pag-usa­pan at hindi ang pagsa­sailalim ng dragon boat sa Philippine Canoe Kayak Fe­deration.

Pinabulaanan naman ni Garcia na huli ang abiso ng pagpupulong dahil sa Congress hearing pa ito naitakda kaya nga umano sumulat ang PDBF kay Congressman Unico.

Hindi naman maa­aring makialam ang PSC sa usa­ping reinstatement sa POC dahil hindi nila sakop ito. Pero nagkaroon sana ng pagkakataon na maipaalam ng PDBF ang kanilang salo­obin sa bagay na ito.

“In their absence, nothing can be answered or clarify,” tugon ni Garcia.

Show comments