MANILA, Philippines - Sinabi ni Olympian at Philippine Sports Commissioner-In-Charge Akiko Thomson-Guevara na ang programa niyang Women in Sports 2011 ang magiging daan para sa pagpapalaganap ng sports tourism sa Mindanao, partikular sa makasaysayang Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ang nasabing proyekto ay sinimulan noong nakaraang buwan sa Central Mindanao University sa Maramag, Bukidnon.
Magdadala ang PSC ng mga beteranong coaches kagaya ni Elma Muros-Posadas na magtuturo sa athletics.
Sina Arturo Cristobal at Frucuso Raytos ay magbabahagi naman ng kanilang kaalaman sa basketball at magdaraos ng clinics sa football sina Joseph Fiel Zandifa at Norben Patangan ng Philippine Football Federation-Dapitan chapter.
Ang mga sports clinics ay nakatakda sa Agosto 24-26 sa Jose Rizal Memorial State University.
Sa pagtatapos ng programa, ilulunsad ang ‘Walk for Fun, Walk for Life’.