Sea Lions lumangoy ng 5 gold
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni NCAA president Anthony Tamayo ang pagbubukas ng 87th swimming competition sa pagbubukas ng apat na araw na torneo kahapon sa Rizal Memorial Swimming Pool.
“Swimming is a sport that best describes our theme this season, different motions, one direction,” wika ni Tamayo para pormal na buksan ang tagisan ng 10 koponan sa pool events.
Nagpamalas agad ng husay ang 9-time defending champion San Beda nang kunin ang lima sa unang anim na gintong pinaglabanan.
Nanguna sa Sea Lions ay si Wilfredo Sunglao nang manalo sa 100m backstroke gamit ang bagong record time na 4:17.39. Ang dating meet record ay hawak ni Mach Frigillana ng San Beda sa 4:21.18 tiyempo na ginawa pitong taon na ang nakalipas.
Ikalawang ginto ni Sunglao ay sa 100m back sa 1:01.77.
Double gold medalist din ng San Beda si John Orlan Simora na nanalo sa 200m individual medley sa 2:15.78 at sa 50m breast sa 31.07 tiyempo.
Ang ikalimang ginto ng nagdedepensang kampeon ay sa larangan ng 100m butterfly na hatid ni Christian Jude Subibi sa 1:00.95 tiyempo.
Ang nakalusot sa kamay ng Bedans ay ang 200m free style relay na pinagharian ng St. Benilde na binuo nina Richard Agratap, Richard Cabangon, Mark Carrasco at Miguel Gonzaga sa 1:42.18 tiyempo.
Bunga nito, ang San Beda ay nakakuha agad ng 439 puntos habang nasa malayong ikalawa ang St. Benilde sa 264 at ang Emilio Aguinaldo ay nasa ikatlong puwesto sa 122.5 puntos.
- Latest
- Trending