May ilang kaibigang nagsabi sa akin na nakita nilang nakipag-usap si Smart Gilas Pilipinas skipper Chris Tiu kay Jose Bayani Baylon na giyang representative ng Powerade/Coca-Cola sa PBA Board of Governors bago daw nagtungo ang national team sa Taipei para sa Jones Cup.
Medyo mahaba at seryoso daw ang usapang naganap. Pero siyempre, hindi alam ng mga kaibigan ko kung ano ang pinag-usapan.
Kaya naman nang-iintriga sila. Anila, malamang na hinihimok daw ni Baylon si Tiu na lumahok sa annual PBA Rookie Draft na gaganapin sa Robinson’s Manila sa Agosto 28.
Ang Powerade kasi ang may-ari ng No. 1 pick overall. Baka daw gustong kunin ng Powerade bilang top pick sa Draft si Tiu?
Sa kasalukuyan kasi, dadalawang manlalaro ng Smart Gilas pa lang ang nagsumite ng application para lumahok sa Draft at ito’y sina Chris Lutz at Marcio Lassiter. Mag-aapply naman daw lahat maliban sa naturalized Filipino na si Marcus Douthit at Tiu. Si Japhet Aguilar naman ay maituturing na ex-pro dahil sa No. 1 pick siya noong 2009 at naglaro ng isang game sa Air21 bago ipinamigay sa Talk N Text na naglagay sa kanya sa RP Team. Sakaling bumalik sa PBA si Aguilar ay sa Talk N Text siya lalaro. At lalong lalakas ang Tropang Texters na ngayon ay nasa pintuan na ng isang Grand Slam. Pero tsaka na lang natin pag-usapan iyan. Si Tiu muna at ang Powerade.
Parang hindi naman daw trip ni Tiu na mag-pro at sa halip ay pagtutuunan nito ng pansin ang family business at ang kanyang television or showbiz career. Kapag inihalo pa niya dito ang professional basketbal ay baka mahirapan siya. O kaya’y mabitiwan niya ang ibang hawak niya.
Pero kung maganda ang offer ng Powerade, baka sakaling puwede itong pag-isipan ni Tiu.
Puwede nga ba?
Sa totoo lang, puwede naman sigurong subukan ni Tiu ang PBA kahit mga dalawa o tatlong taon muna bago niya asikasuhin ang negosyo o pag-aartista.
At nakita na naman ng lahat kung ano ang puwedeng gawin ni Tiu dahil naglaro ito noong Commissioners Cup. Kaya naman talaga niyang makipagsabayan sa mga pros.
Katunayan, sinabi nga ni Ronald Tubid ng Barangay Ginebra na may gulang na rin si Tiu at tiyak na papalag o makikipagsabayan sa gulangan. Hindi umaatras si Tiu sa laban!
Ang tanong nga lang dito ay kung si Tiu ang talagang kailangan ng Powerade para makaangat sa standings? Ang daming guwardiya ng Powerade.
Kitang-kita naman na ang kakulangan ng Tigers ay mga big men. Baka nga magretiro na si Dennis Espino next season. Ang maiiwan lang sa kanila ay si Rob Reyes na hindi din naman dominant center. Hindi din sentro sina Norman Gonzales at Ricky Calimag.
So, ang gitna ang dapat na punan ng Powerade. Hindi ang kanilang guard line na sobra-sobra.
Pero siyempre, hindi lang naman basta guwardiya si Tiu, e.
Marquee player siya. Tiyak na madaragdagan ang bilang ng mga fans ng Powerade kung dito siya maglalaro.
Dahil tatlo naman ang first round picks ng Powerade, kukunin na nila si Tiu bilang No. 1 kapag nag-apply ito sa Draft at pagkatapos ay maghahanap ng big man sa nalalabi nilang dalawang picks.
Puwede na yun!
Pero iyon ba ang pinag-usapan nina Baylon at Tiu?