MANILA, Philippines - Itinakda na sa Nobyembre 5 ang pag-akyat sa boxing ring ni world bantamweight champion Nonito 'The Filipino Flash' Donaire, Jr. matapos ang siyam na buwan.
Sinabi kahapon ni Top Rank Promotions' president Todd duBoef na naghahanap na sila ng makakalaban ni Donaire, pinabagsak si Fernando Montiel via second-round TKO upang agawin sa Mexican ang mga suot nitong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles noong Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Idinagdag pa ni DuBoef na ito na ang magiging huling laban ng tubong Talibon, Bohol sa bantamweight division bago siya umakyat sa junior featherweight category bilang pagsunod sa mga yapak ni world eight-division king Manny Pacquiao.
Tangan ni Donaire ang 26-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs. Kabilang sa mga maaaring itapat kay Donaire ay sina Omar Narvaez (35-0-0, 23 KOs) ng Argentina, Silence Mabuza (23-3, 19 KOs) ng South Africa, Christian Esquivel (23-2, 17 KOs) ng Mexico, Sebastian Gauthier (21-2, 13 KOs) ng Canada, dating junior bantamweight titlist Alexander Munoz (35-4, 27 KOs) at Juan Mercedes (26-3, 17 KOs) ng Dominican Republic.