MANILA, Philippines - Matapos ang Philippine Azkals, ang Water Dragons naman ng Cobra-Philippine Dragon Boat Federation ang gumagawa ng ingay.
Humakot ang Dragon Warriors ng limang gold at dalawang silver medals sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa 10th International Dragon Boat Federation World Championships Tampa Bay, Florida.
Tinubog ng koponan ang kanilang pang lima at huling gintong medalya sa Premier Open 500-meter race sa small boat division.
Nagtala ng bilis na 2:38.479 ang Dragon Warriors sa Heat 1 para umabante sa grand finals, habang ang ibang foreign squads ay dumaan pa sa semifinal races.
Sa grand finals, naglista ang tropa ng mas mabilis na 2:23.535 para ungusan ang Australia (2:29.299), Japan (2:36.365) at Italy (2:38.384) sa naturang world meet.
Unang inangkin ng Dragon Warriors ang gold medal sa men’s 1,000m noong Huwebes bago isinunod ang premier mixed 200m at premier men’s 200m events noong Biyernes.
Dinomina rin ng grupo ang small boat 500-meter premier mixed finals noong Sabado para sa kanilang ikaapat na gintong medalya.
Ang kanilang mga silver medals ay nagmula sa premier all-comers mixed 200m at premier all-comers Open 200m.
Lumahok ang mga Filipinos paddlers sa small boat division, ang bagong kategorya na may 10 atleta at isang tambolero at timon. Ang tradisyunal na standard play ay mayroong 24 miyembro, isang tambolero at isang timon.
Ang Dragon Warriors ang naghari sa 200m event sa 2007 World Championships sa Sydney, Australia at naidepensa ito noong 2009 sa Prague, Czech Republic.
Hindi sila pinayagan ng Philippine Olympic Committee (POC) na sumali sa 2010 Asian Games.