Air Force ginulat ang Ateneo
MANILA, Philippines - Ginitla ng Philippine Air Force ang dating walang dungis na Ateneo De Manila University mula sa isang 25-21, 26-24, 20-25, 31-29 panalo sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nagpasabog si Cherry Macatangay ng 22 kills at mayroong tatlong service points para sa 1-2 baraha ng Air Force sa ilalim ng Philippine Army (2-0), Ateneo ((2-1), San Sebastian (2-1), Navy (1-1) at Maynilad (1-1) kasunod ang Perpetual Altas (0-3).
Nagdagdag si Aiza Maizo ng 20 hits para sa Air Force, habang tumipa si Jennifer Manzano ng 12 points.
Bumangon ang Air Force mula sa 15-18 pagkakaiwan sa Lady Eagles sa fourth set bago angkinin ang sumunod na limang puntos at kunin ang 22-19 lamang.
Nagposte si Fille Cainglet ng 24 attacks at tumapos na may 26 hits para sa Ateneo kasunod ang 24 hits ni Alyssa Valdez at 12 points ni Angeline Gervacio.
Sa unang laro, tinalo naman ng San Sebastian (2-1) ang Perpetual Help (0-3) mula sa isang 25-18, 25-17, 25-13 panalo.
Nanggaling ang Lady Stags sa isang three-set loss sa Navy spikers noong nakaraang Huwebes bago ibunton ang kanilang galit sa Lady Altas na tinapos nila sa loob ng 58 minuto.
Humataw ang Recoletos-based squad, isang seven-time runner-up sa V-League, ng 45 hits.
Naglista sina American reinforcement Lauren Ford at Thai import Jang Baulee ng tig-13 kills at tumapos na may tig-17 points para sa San Sebastian, habang tumipa si Thai import Piyatida Lasungnern ng 8 hits para sa Pereptual.
- Latest
- Trending























