Army sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Nakisalo sa liderato ang Philippine Army matapos pabagsakin ang Air Force, 25-23, 25-13, 25-20, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ang tagumpay ang nagtabla sa Army spikers sa nangunguna ring Ateneo Lady Eagles para sa liderato.
Humataw si 2005 first conference Most Valuable Player Michelle Carolino ng 18 hits, habang nagtala naman si 2004 MVP MJ Balse ng 11 points para igiya ang Army sa paggupo sa Air Force sa loob ng 67 minuto.
Sa kanilang pananaig laban sa Navy noong Martes, nagposte sina Carolino at Balse ng pinagsamang 26 points at 13 hits.
Kumpara naman sa malamyang 31-of-130 hits ng Air Force, naglista ang Army ng 48-of-140 hits maliban pa sa kanilang 11 blocks bilang pagpapakita ng kanilang mabigat na depensa.
Sa kabila ng hindi paglalaro sa third set, umiskor pa rin si Joanne Bunag ng 20 hits para sa Navy ni coach Rico de Guzman.
Tumapos si Bunag na may 9 points kagaya ni Marietta Carolino, samantalang nagdagdag naman ng 8 si Dahlia Cruz.
May 0-2 rekord ngayon ang Air Force bagamat ipinarada sina guest players Aiza Maizo at Cherry Rose Macatangay na nagtala ng 14 kills at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nakabangon ang Navy mula sa natamong kabiguan sa mga kamay ng Army nang hiyain ang San Sebastian College, 25-13, 25-23, 25-17 upang makatabla ang kanilang biktima sa 1-1 win-loss slate.
Nagpakawala si Nene Bautista, datingMVP, ng 12 kills para sa kanyang inilistang 20 puntos upang tulungan ang Navy.
- Latest
- Trending