Ateneo, Maynilad maghahatawan sa unang panalo

MANILA, Philippines - Makikita ang antas ng laro ng mga commercial teams at collegiate teams sa pagbubukas ngayon ng Shakey’s V-League Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Bubuksan ng first conference champion Ateneo ang kampanya sa ikala­wang sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sport Vision sa pagharap sa Maynilad na magsisimula matapos ang tagisan ng San Sebastian at Philippine Air Force na itinakda sa alas-2 ng hapon.

Ang mga dating pam­bato ng iba’t ibang paara­lan na sina Charisse An­cheta, Joanna Marie dela Peña, Nica Culiman at Margarita Pepito na ngayon ay empleyado na ng Maynilad ang bubuo sa koponan na sasali sa unang pagkaka­taon sa palarong suportado ng Shakey’s Pizza bukod pa sa Mikasa, Accel at May­nilad Water.

Sina Alyssa Valdez, Fille Cainglet, Gretchen Ho, Dzi Gervacio at guest player Leah Patnongon ang mga sasandalan naman ng Lady Eagles na kinuha ang kauna-unahang titulo sa V-League nang talunin nila ang Adamson sa nagdaang conference.

Ang mga dating MVP ng liga na sina Cherry Ma­catangay at Aiza Maizo ang babandera naman sa Air Force laban sa makailang-ulit na NCAA champions na sina Joy Benito, Bea Uy, Dafna Robinos, Czarina Berbano at guest players Rubie de Leon at Jennifer Salgado.

Mahalaga ang bawat laro sa elimination round dahil ang pitong kasali ay sasailalim sa single round robin at ang mangungulelat ay mapapatalsik sa laro.

Isa pang single round robin ang gagawin sa quarterfinals para madetermina ang apat na aabante sa Final Four na isang cross over best-of-three series.

Ang lulusot na dalawang koponan ang magbabanggaan sa titulo sa isang best-of-three Finals.

Ang Philippine Army at Philippine Navy ang iba pang commercial teams habang ang University of Perpetual Help System Dalta ang ikatlong collegiate team na kalahok.

Mapapanood ang mga laro sa NBN-4 bukod pa sa live streaming sa www.v-league.ph pero para sa conference na ito, mapapanood na rin ang mga laro sa ibang bansa gamit ang international channels ng GMA Pinoy TV, GMA Life TV at GMA Network TV.

Show comments